Babaeng preso pinag-staycation sa hotel: QCPD exec, 2 pa sibak
MANILA, Philippines — Sibak sa puwesto ang hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) gayundin ang jailer at desk officer matapos na mabuking na pinayagan nitong mag ‘staycation’ sa isang kilalang hotel sa lungsod ang isang babaeng preso.
Sina CIDU chief PMajor Don Don Lapitan, PLt. Dexter Bernadas, hepe ng Warrant Section at si PSMS Danilo Pacurib, chief custodial ng nasabi ring unit ay una nang sinibak at dinis-armahan ni QCPD Director PBGen Melecio Buslig matapos makatanggap ng impormasyon na nakakalabas ng kulungan ang female detainee na si alyas Bongat at nag-staycation sa isang 5-star hotel sa Quezon City.
Si Bongat ay nakadetine sa QCPD-CIDU dahil sa kasong four counts of qualified theft, na walang nirekomendang piyansa.
Napag-alaman na nakipagkita pa umano ang babaeng preso sa kanyang pamilya sa nasabing hotel at ineskortan pa ng dalawang pulis.
Bineberipika rin ng QCPD ang impormasyon na matagal nang ginagawa ni Lapitan ang pagpapalabas sa mga preso kung saan isa rito ay nakasama ng police official sa panonood ng PBA.
Ayon kay QCPD officer in charge at Deputy District Director for Administration PCol Randy Glen Silvio, patuloy ang kanilang imbestigasyon kung may involve na pera hinggil sa pagpapalabas ng babaeng preso.
- Latest