PNP pinag-iingat mga biyahero vs online booking scams
MANILA, Philippines — Pinag-iingat ng Philippine National Police (PNP) ang mga mahilig na magbiyahe laban sa mga online scammers na nag-aalok ng tour packages na “too good to be true” ngayon summer season.
Ayon kay PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, naglabas na sila ng paalala sa publiko kasabay ng pagkaka-aresto ng Anti-Cybercrime Group (ACG) sa 45 katao dahil sa cybercrimes.
Nadakip ang mga ito mula Abril 11 hanggang 17 alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang kampanya laban sa cybercrimes.
Nabatid na nagsagawa ng 313 cyber patrolling ang PNP ACG na nagresulta sa pagkaka aresto ng 45 suspek bunsod ng entrapment operations.
“We urge everyone to verify the legitimacy of travel agencies and booking platforms before making any transactions,” ani Marbil.
Sinabi ni Marbil na sinasamantala ng mga sindikato ang pagkakataon na makapangloko at makapagsamantala sa mga indibiduwal na mahilig magbiyahe.
Dagdag pa ng PNP chief, maging maingat at mapanuri sa mga transaksiyon sa online at iwasang makipagkasundo sa mga kaduda-dudang online activity.
- Latest