CAAP nagpataw ng dagdag sa service charge
MANILA, Philippines — Ipinatupad na ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang dagdag sa service charge ng mga pasahero ng eroplano.
Sinabi ng CAAP na sinimulan na ang pagpapatupad ng adjusted rates para sa mga flight ticket na binili nitong Lunes, Abril 21, 2025.
Sa isang memorandum na may petsang Abril 14, ang passenger service charge (PSC) para sa mga international flights ay tumaas mula sa kasalukuyang P550 hanggang P900 o $17 kada papaalis na pasahero.
Samantala, ang PSC kada pasahero para sa domestic flights ay P350 para sa mga aalis sa pamamagitan ng international airports; P300 para sa mga nasa principal class 1 airports; P200 para sa mga nasa principal class 2 airports at P100 para sa community airports.
Ang pagtaas sa PSC ay para sa pagpapabuti ng karanasan ng mga pasahero sa mga paliparan na nasasakupan nito.
Sa kasalukuyan ay may anim na internasyonal na paliparan na pinapatakbo ng CAAP. Ang mga ito ay nasa Bohol, Davao, Iloilo, Kalibo, Laoag, at Puerto Princesa.
Samantala, mayroong 34 na CAAP-operated principal class 1 at 2 airports. Mayroon ding 35 community airports sa ilalim ng pamamahala ng CAAP.
- Latest