X-ray scanners sa MRT-3 tatanggalin

MANILA, Philippines — Inihayag ni Transportation Secretary Vince Dizon na plano nilang alisin ang mga X-ray scanners sa mga MRT-3 station upang iwas abala at para sa mas mabilis na pagpasok ng mga pasahero at maiwasan ang mahabang pila.
Sa kanyang pag-i-inspeksiyon sa ilang MRT stations, sinabi ni Dizon na unti-unting tatanggalin ang mga X-ray scanners na mas nagiging sagabal sa mga commuter.
“Pag meron tayong bagong teknolohiya sa tulong ng DICT natin eh baka ma-eliminate na natin ang lahat ng X-ray. Kasi nga makikita mo naman sa ibang bansa kapag sumakay ka sa mga MRT, subway, metro, wala naman x-ray dun kasi nga may mga ginagamit silang teknolohiya para masigurado pa rin ‘yung seguridad ng mga bumabiyahe at yung mga pasilidad,” ani pa ni Dizon.
Nagpadala na rin ng karagdagang K-9 unit team sa mga istasyon para sa karagdagang seguridad. Naniniwala siya na may positibong pagbabago sakaling maalis na ang x-ray scanners sa operasyon ng MRT-3.
Nasubukan ito sa North EDSA station, kung saan nakapasok na siya sa loob lang ng tatlong minuto, kumpara sa dating pila na umaabot hanggang sa kalsada.
Ayon pa sa kalihim, dadagdagan din ang mga bagon sa MRT 3, at magiging apat na simula sa April 21 sa oras ng “peak hours” para mas maraming pasahero ang maisakay.
Inihayag ng MRT-3, na tatlong four-car train sets ang mag-o-operate sa rush hours sa umaga at hapon, habang ang 16 na iba pang tren ang magpapatuloy sa three-car configuration.
- Latest