Quality education tugon sa mababang PISA rating ng bansa-Pasig mayoralty bet
MANILA, Philippines — Naniniwala si Pasig mayoralty aspirant Sarah Discaya na malaki ang maitutulong ng quality education sa kayang planong ‘smart school’ upang mapataas ang assessment rating ng bansa sa Program for International Student Assessment (PISA).
Ang pahayag ni Discaya ay kasunod ng layunin ng Department of Education na determinado silang itaas ang PISA rating ng Pilipinas sa 2025, sa pangunguna ng hepe nitong si Sonny Angara na siyang naglatag ng mga estratehiya upang maiwasan ang mahinang performance ng mga bata kagaya noong 2022.
“Nakaya nating maging top performing school sa PISA noong 2018, mas kaya nating ibalik ito sa tulong ng smart school na pangarap ko para sa mga batang Pasig”, ani Discaya.
Batay sa PISA 2022 results na inilabas ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) noong Disyembre 2023, nakapwesto lamang ang Pilipinas sa ranggong 76 sa 81 bansang lumahok sa global assessment na sumusukat sa kakayahan ng mga mag-aaral sa reading comprehension, mathematics, at science.
Sa kabila ng pangungulelat ng bansa nitong 2022 assessment ay naitala naman ng Pasig City Science High School ang pagiging top performer nito noong 2018, na siyang ikinalungkot ng ilang education officials dahil sa ang resultang inilabas nitong 2023 ay tanging ang Benigno Aquino High School in Makati lang sa 188 na paaralan na sumali sa PISA ang nakalusot sa tinawag na minimum proficiency level sa reading, science at mathematics.
Ipinagmamalaki ni Discaya na nasa sentro ng kanyang ‘smart school’ na plataporma ang pagbibigay ng dekalidad na edukasyon gamit ang kumpletong learning tools, makabagong pagtuturo, at IT-driven learning systems para sa mga mag-aaral ng Pasig.
- Latest