Manhunt vs 2 Chinese na ‘utak’ sa Que kidnap-slay - PNP

Enero pa tinitiktikan
MANILA, Philippines — Nagsasagawa na ng manhunt operation ang Philippine National Police (PNP) laban sa dalawa pang Chinese national na umano’y mga ‘utak’ sa pagdukot at pagpatay sa Filipino-Chinese na si Anson Que at driver nito na si Armani Pabillo, matapos maaresto ang tatlong kasabwat sa ikinasang follow up operation sa Roxas, Palawan nitong Abril 18.
Ayon kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil, maituturing na “breakthrough” ang pagkakaaresto kina Richard Austria David, alyas “Richard Tan Garcia,” at kanyang bayaw na si Raymart Catequista, sa pagdukot at pagpatay kina Que o Anson Tan at Pabillo. Ang bangkay ng dalawang biktima ay natagpuan sa tabi ng kalsada sa Rodriguez, Rizal noong Abril 9 na nakasilid sa bag.
Kasunod ng pagkakaaresto kina David at Catequista, sumuko naman ang Chinese na si David Tan Liao, alyas Xiao Chang Jiang, Yang, Jianmin at Michael Agad Yung na umaming sangkot sa pagdukot hindi lamang kay Que maging sa iba pang Chinese na lubog sa utang mula sa kanilang grupo.
Marso 29 nang huling makita sina Que at Pabillo hanggang kinabukasan ay nakatanggap ng ramson demand na US$20 million ang pamilya Que sa pamamagitan ng WeChat kaya napilitan na silang humingi ng tulong sa PNP AKG.
Napag-alaman na ang pinaghahanap na dalawang ‘utak’ na Chinese ay nasa safehouse sa Brgy. Langka, Meycauayan, Bulacan kung saan itinago ang mga biktima at kalaunan ay pinatay.
Lumilitaw din sa imbestigasyon na sinimulang tiktikan ng mga suspek ang biktima nitong Enero ngayon taon hanggang sa isagawa ang pagdukot. Subalit sa pamamagitan ng surveillance footage, cyber monitoring, at intelligence operations, natunton ng mga awtoridad ang dalawa sa mga suspek sa Palawan, kung saan sila ay inaresto noong madaling araw ng Abril 18.
Isa pang mahalagang ebidensya ang CCTV footage at ang pagkakarekober ng inabandona na Lexus van sa Quezon City. Nakuhanan ng video ang isa sa mga naarestong suspek habang bumibili ng wet wipes at plastic bag sa isang convenience store—mga gamit na pinaniniwalaang ginamit upang alisin ang forensic evidence.
Noong Abril 16, sa bisa ng search warrant, hinalughog ng mga operatiba ang isang bahay sa Meycauayan kung saan nakakita ng mga ebidensya, kabilang ang DNA na tumugma kay Pabillo.
Naniniwala rin ang mga awtoridad na sa isang safehouse sa Barangay Langka, Meycauayan, Bulacan, pinahirapan bago pinatay ang dalawang biktima.
Ang mga suspek ay nahaharap sa dalawang kasong kidnapping for ransom with homicide, matapos ang inquest proceedings na isinagawa ng Department of Justice.
- Latest