LTO-NCR ikinasa ang ‘Oplan Isnabero’ vs taxi drivers
MANILA, Philippines — Sisimulan nang ipatupad ng Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) ang “Oplan Isnabero” ngayong linggo, April 20 laban sa mga pasaway na taxi drivers na tatangging maihatid sa kanilang destinasyon ang mga pasaherong babalik sa Maynila makaraan ang mahabang bakasyon sa pagtatapos ng Semana Santa.
Partikular na nakakalat ang LTO operatives sa pangunahing transport terminals sa Metro Manila na inaasahang dagsa ang magbabalik Maynilang mga pasahero mula sa mga probinsiya na nilalayong matiyak na maayos ang mga itong makakabalik sa kanilang mga tinitirhan sa Metro Manila.
Pinayuhan naman ni LTO-NCR Regional Director Roque Verzosa III ang mga taxi drivers na tupdin ang kanilang responsilidad na mabigyan ng maayos na akomodasyon ang mga pasahero at hindi ang mga ito mang-isnab ng mga commuters.
“Sisiguraduhin namin na mapaparusahan ang mga taxi drivers na tatangging magsakay ng pasahero,” sabi ni Verzosa.
Sa ilalim ng Joint Administrative Order No. 2014-01, ang pagtanggi sa pagsasakay ng pasahero ay may kaakibat na multang mula PHP 5,000 hanggang PHP 15,000 at maaaring mapawalang bisa ang Certificate of Public Conveyance (CPC) ng taxi.
- Latest