Pasig mayoral bet walang nilabag sa pagkakaroon ng British Passport
MANILA, Philippines — Nilinaw ng legal counsel ni Pasig City mayoral candidate Sarah Discaya na wala siyang nilabag na batas kaugnay ng kanyang British passport, at walang batayan ang anumang kasong diskwalipikasyon laban sa kanya.
Ayon kay Atty. Edward Gialogo, abogado ni Discaya, ang kanyang kliyente ay isang dual citizen mula pagkasilang, dahil ipinanganak siya sa London sa mga magulang na Pilipinong manggagawa sa ibang bansa.
“Walang anumang paglabag o pagkakamali sa panig ni Gng. Sarah Discaya na maaaring gamiting batayan para siya ay madiskwalipika,” ani Gialogo.
Paliwanag ni Gialogo, bilang isang dual citizen mula pagkasilang, awtomatikong nakuha nila ang pagiging British citizen dahil sa kanyang kapanganakan sa London, habang nananatiling isang Pilipino.
Binanggit din ni Gialogo ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Gana-Carait vs. COMELEC, na nagpapatunay na ang mga dual citizens mula pagkasilang ay hindi ipinagbabawal na tumakbo sa posisyon sa pamahalaan.
Hinamon din niya si Pasig City Mayor Vico Sotto na ilabas ang ebidensya upang patunayan ang kanyang pahayag na nilabag ni Discaya ang batas ng Pilipinas.
- Latest