Congressional aspirant sa Pasig City, pinadi-disqualify ng Comelec TF
Sa ‘single mom joke’
MANILA, Philippines — Sinampahan ng Commission on Elections (Comelec) Task Force SAFE ng petition for disqualification ang isang kandidato sa pagka-kongresista sa nag-iisang distrito sa Pasig City, bunsod ng mga binitiwang ‘single mom joke’ sa isang campaign sortie sa lungsod kamakailan, na isa anilang paglabag sa anti-discrimination rules ng poll body.
Nabatid na ang inihaing motu proprio petition ng Task Force SAFE laban kay Atty. Christian “Ian” Sia ay humihiling na madiskuwalipika siya sa nalalapit na halalan sa Mayo 12 at isuspinde ang kanyang proklamasyon, sakaling siya ay manalo sa eleksiyon, nang hindi pa nadedesisyunan ang petisyon.
Tiniyak naman ni task force chief Sonia Bea Wee-Lozada na ikinonsidera nila sa paghahain ng petisyon ang isinagawa nilang imbestigasyon sa kaso, gayundin ang mga inisyung show-cause orders laban kay Sia at mga inihain nitong tugon.
Nabatid na natuklasan ng task force na lumabag si Sia sa Comelec Resolution 11116 o the Anti-Discrimination and Fair Campaigning Guidelines. Ito umano ang kauna-unahang kaso na inihain ng Comelec laban sa isang kandidato, na may kinalaman sa naturang resolusyon.
Matatandaang sa isang campaign sortie, nagbiro si Sia na ang mga single mothers, na nagkakaroon pa ng buwanang dalaw at malungkot, ay maaaring matulog kasama siya, minsan sa isang taon. Dahil dito, inisyuhan ng Comelec ang kandidato ng SCO upang magpaliwanag.
Muli naman siyang naisyuhan ng ikalawang SCO kaugnay ng kanyang umano’y ‘misogynistic remarks’ laban sa isa sa kanyang mga babaeng empleyado, sa isa pang campaign sortie.
- Latest