5 most wanted magpepenitensiya sa kulungan
MANILA, Philippines — Sunud sunod na natunton ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang limang station-level Most Wanted Persons (MWPs) sa magkakahiwalay na manhunt operations na isinagawa nitong Linggo.
Kinilala ni QCPD District Director PBGen Melecio Buslig, Jr, ang mga nadakip na MWP na sina alyas “Fajardo”, 22; Luis, 58; Calinao, 38; Erquiza, at Manamparan.
Batay sa report, dinakip ng Fairview Police Station 5 sa ilalim ng PLt. Col. Geronimo Dimayuga, Jr., si Fajardo na kanilang No.3 MWP na may nakabinbing Warrant Of Arrest (WOA) para sa Statutory Rape, na inisyu ng Branch 13, Family Court, Quezon City habang naaresto naman ng Anonas Police Station sa pamumuno ni PLt. Col. Zachary Capellan, ang No 8 MWP na si Luis, dahil sa kaso ng paglabag sa R.A. 9262 o ang Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004 na inisyu ng Branch 124, RTC, Caloocan City.
Binitbit naman ng Galas Police Station 11 sa ilalim ni PLt. Col. Joseph Dela Cruz ang kanilang No.2 MWP na si Calinao, dahil sa paglabag sa R.A 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016, na inisyu ng Branch 141, Fourth Judicial Region, Antipolo City, Rizal.
Samantala, alas-11:00 ng umaga sa New Bilibid Prison, Bureau of Corrections, Muntinlupa City, natunton ng Holy Spirit Police Station 14 sa ilalim ni PLt. Col Rey Tad-o ang kanilang No. 1 MWP na si Manamparan, na una nang nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo sa kasong murder.
Habang si Erquiza naman na wanted din sa pagpatay ay natunton naman na nakapiit na rin sa New BJMP sa Quezon City.
- Latest