6 na iligal na nagnonotaryo, dinakip sa entrapment

MANILA, Philippines — Arestado ang anim na indibidwal sa aktong pagproseso ng notarial documents kahit hindi awtorisado ng mismong abogado na ginagamit nila sa iligal na pagnonotaryo, sa Makati City, noong Lunes, Marso 24.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Romeo, 23; alyas Rosalie, 32; alyas Normelyn, 21; alyas Romalyn, 31; alyas Sonny, 62; at alyas Norma, 38, pawang notarial service staff na ginagaya ang signature at notarial details ng isang lehitimong abogado na si alyas Petchie, 38.
Sa ulat ng Makati City Police Station, ang mga suspek ay sinampahan ng reklamong falsification of public documents at usurpation of authority matapos mahulog sa isinagawang entrapment operation malapit sa Buendia Avenue Post Office noong Lunes.
Ito’y matapos dumulog ni “Atty. Petchie” sa Palanan Police Substation hinggil sa iligal na aktibidad ng mga suspek.
Nasamsam sa mga suspek ang mga notarial paraphernalia na kinabibilangan ng iba’t-ibang documentary stamps, notarial seals, stamp pads, acknowledgment receipts, security declarations, at contracts of lease na may pinekeng notarial information na ginaya mula sa credentials ng nasabing abogado.
- Latest