Focus crime sa NCRPO bumaba ng 17%
MANILA, Philippines — Inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na bumaba ng 17.04 porsiyento ang krimen sa Metro Manila mula Nobyembre 2024 hanggang Marso 2025.
Sa pahayag ng NCRPO bumaba ang focus crime incidents sa 1,524 mula Nobyembre 23, 2024 hanggang Marso 2, 2025 kumpara sa 1,837 mula Nobyembre 23, 2023 – Marso 2, 2024.
Kabilang sa mga focus crime ang murder, homicide, panggagahasa, physical injury, carnapping ng mga motorcycles at motor vehicles at pagnanakaw.
Nasa 3,721 na mga indibidwal ang naaresto bunsod ng paghahain ng warrant of arrest at pagsasagawa ng manhunt operations mula Nobyembre 23, 2024 hanggang Marso 2 ng kasalukuyang taon.
Sa kampanya laban sa loose firearms, iniulat ng NCRPO ang paghuli sa 796 na mga indibidwal dahil sa firearm-related violations sa 776 na operasyon, kung saan nasamsam ang 815 na iligal na mga baril.
- Latest