Kongresista, umepal sa ayuda kinasuhan sa Ombudsman
MANILA, Philippines — Sinampahan ng kasong katiwalian sa Office of the Ombdusman ng mga residente si Caloocan City 2nd District Representative Mary Mitzi Cajayon –Uy kasunod ng pamamahagi nito ng ayuda na dapat ay ginagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kasama ang kanilang abogado, kinasuhan si Cajayon-Uy ng kanyang mga constituents na sina Elaine Manalang Bautista at Jose Eduardo Miranda Carlos.
Ang pagsasampa ng kaso ay nag-ugat matapos ilang beses umanong ipangalandakan ng kongresista sa kanyang facebook page na nireregaluhan at inilalabas niya ang mga taga-DSWD upang unahin ang kanilang payout sa ayuda na isa umanong paglabag sa ethical at legal standards for public officials.
Kinukwestiyon din ang pamamahagi ni Cajayon-Uy ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa pagsasabing trabaho ito ng DSWD at hindi trabaho ng mambabatas.
Dahil dito hiniling nina Bautista at Carlos sa Ombudsman na imbestigahan ang paglabag ni Cajayon-Uy sa kanyang misconduct at paglabag sa Section 3 ng Anti-Graft and Corruption Practices Act (RA 3019).
Dapat ding imbestigahan kung sinu-sinong mga opisyal ng DSWD ang sangkot sa ginawang pag-treat at nakatanggap ng regalo mula sa kongresista.Naniniwala si Bautista na kinokondisyon ng kongresista ang isip ng mga botante para sa nalalapit na halalan.
Kasabay nito, mariin namang itinaggi nina Bautista at Carlos na walang sinuman ang naki-usap sa kanila at nag-utos para sampahan ng kaso ang kongresista at nais lamang nila maiwasto o matuldukan na ang mga katiwalian ng kanilang representante sa distrito 2 ng lungsod.
- Latest