Gadon kinondena ng NPC sa pambabastos sa 2 news editor
MANILA, Philippines — Kinondena ng National Press Club (NPC) ang ginawang pambabastos ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation (PAPA) Larry Gadon sa dalawang aktibong news editor at news reporter sa ginaganap na Balitaan sa Tinapayan sa Samplaoc, Maynila kahapon.
Sinabi ni NPC President Leonel Abasola na hindi niya hahayaang maliitin at bastusin ang mga miyembro ng media at miyembro ng NPC ng sinumang government officials.
Ang reaksyon ni Abasola ay nag-ugat sa reklamo nina Doris Franche-Borja, reporter/editor ng Pilipino Star Ngayon at Mia Billones, reporter/editor ng Abante News.
Sinabi nina Borja at Billones na pinalalabas sila ng isang babae sa kasagsagan ng forum dahil sa kanilang pag- uusap na kalaunan ay napag-alamang anak ni Gadon.
Kinompronta ng anak ni Gadon sina Borja at Billones at dinuro pa si Borja sa pagsasabing “Kanina pa kayong dalawa. Lalo ka na.!” na nakaturo kay Borja.
Habang nagbibigay ng kanyang closing remarks, tinanong ni Gadon ang napansin din niyang gulo. Dito ay lumapit si Borja at Billones kay Gadon.
Sinabi ni Billones na “Sir yung anak mo kasi, bastos” at pasigaw naman na sinagot ni Gadon si Billones ng “hindi bastos ang anak ko!” sabay duro kay Billones. Nagtanong pa umano si Gadon kung ano ang dyaryo si Billones.
Si Gadon ay inactive member ng NPC.
“We urge the Presidential Task Force on Media Security to look into this matter and expect full cooperation from the NPC,” ani Abasola.
- Latest



















