Pedicab driver, timbog sa tangkang pagdukot sa 2 estudyante

MANILA, Philippines — Arestado ang isang lalaki na nagtangkang kumidnap sa dalawang estudyante sa labas ng Maypajo Elementary School, sa J.P Rizal St., Brgy 35, Maypajo, Caloocan City kamakalawa ng umaga.
Bugbog sarado sa taumbayan ang suspek na si alyas Dan, 49, residente ng Onyx St., San Andres, Maynila.
Batay sa imbestigasyon, nangyari ang insidente bandang alas-11:45 ng umaga nitong Martes sa harap ng nasabing eskuwelahan.
Unang hinila ng suspek ang isang 10-anyos na lalaking estudyante habang papasok ng paaralan subalit nagpumiglas ito at nakatakas. Sumunod namang hinila ng suspek ang isang ang 9-anyos na estudyanteng babae na nakita naman ng Brgy. Tanod na si Bernie Nacubuan na nagpupumiglas. Dito ay nilapitan ni Nacubuan ang suspek at tinanong kung bakit hila-hila nito ang biktima. Sumagot ang suspek na anak niya ang biktima at isasama na niya pauwi.
Agad namang nagsabi ang bata na hindi niya kilala at hindi niya tatay ang suspek at pinipilit siyang isama. Nagpumiglas ang bata sa lalaki at yumakap sa barangay tanod. Tumawag na ng iba pang taga-barangay si Nacubuan para hulihin ang lalaki.
Dahilan ng suspek, nangungulila siya sa kanyang mga anak kaya minabuti niyang manguha ng bata.
Kwento ng tatay ng isa sa mga biktima, na-trauma ang kaniyang anak at natutulala sa nangyari. Isinailalim na sa counseling ang dalawang bata.
Samantala, inulit naman ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang kanyang direktiba sa Aksyon at Malasakit Task Force, partikular sa kapulisan, na paigtingin ang pagbabantay sa mga paaralan lalo na tuwing oras na papasok at lalabas ang mga mag-aaral.
Bagama’t ikinalulungkot ng alkalde ang insidente, patunay na handa ang barangay at kapulisan na tumugon sa mga ganitong pangyayari.
- Latest