Magnobyo sinalpok ng police mobile, tepok!

MANILA, Philippines — Patay ang isang magkasintahan nang mabangga ng nagpapatrolyang police mobile car ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Antipolo City, Rizal kamakalawa.
Kapwa dead-on-the-spot ang mga biktimang hindi na pinangalanan bunsod ng tinamong matinding mga pinsala sa ulo at katawan habang nasa kustodiya naman na ng pulisya ang hindi na pinangalanang suspek na posibleng mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide with damage to property sa piskalya.
Sa ulat ng Antipolo City Police, naganap ang aksidente nitong Lunes ng hapon sa Marcos Highway, na sakop ng Brgy. Inarawan, sa Antipolo City.
Nauna rito, nagpapatrolya ang pulis, lulan ng police mobile at binabaybay ang kahabaan ng Marcos Highway patungong Boso-Boso, nang mawalan ito ng kontrol sa behikulo.
Dahil dito, lumipat ng kabilang linya ang sasakyan at nabangga ang kasalubong na mga biktima na magkaangkas sa motorsiklo at patungo sa Cogeo.
Sa tindi ng impact, tumilapon ang motorsiklo paatras sa kasunod na jeepney na ikinasira ng harapang bahagi ng jeep ngunit ligtas naman ang driver at mga pasahero nito.
Ayon kay PCapt. Alnor Tagara, Investigation and Operations chief ng Antipolo Component City Police Station (CCPS), malakas ang ulan at basa ang kalsada sa lugar kaya’t hindi nakontrol ng pulis ang mobile patrol na nagresulta sa aksidente.
- Latest