Barangay Tanod, ginilitan ng kawatan

MANILA, Philippines — Isang barangay tanod ang todas nang gilitan ng leeg ng isang lalaking magnanakaw ng e-bike na kanyang nakorner matapos na habulin, sa Binondo, Manila kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni PCapt. Dennis Turla, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, ang biktima na si Biazon Peton, 28, residente ng I-Pacific Residence na matatagpuan sa 468 Lavezares St., sa Binondo habang arestado naman ang suspek na si Ivan Seltiel Domingo,26 at residente rin ng naturang lugar.
Batay sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-3:45 ng madaling sa Lavezares St., kanto ng Sevilla St. sa Binondo.
Bago ang insidente, napaulat na may tinangay na E-bike sa kahabaan ng Elcano St. dahilan para rumesponde ang mga barangay tanod, kabilang ang biktima.
May nakita umano ang mga barangay tanod na lalaking nakasuot ng kulay itim na sumbrero, puting t-shirt, naka-tsinelas at itinutulak ang isang e-bike sa may Lavezares St. kaya kinompronta nila ang suspek.
Gayunman, nagtangka itong tumakas kaya hinabol ito ng mga barangay tanod.
Nakorner naman umano ng biktima ang suspek pero bumunot ng patalim ang suspek at nagawang kalawitin at gilitan sa leeg ang biktima at kaagad na tumakas.
Nagsagawa ng Follow-up operation at CCTV backtracking operations ang mga tauhan ng homicide section at Police Station 11 dahilan para maaresto ang suspek.
- Latest