Timbog sa gun ban pumalo na sa 971
MANILA, Philippines — Pumalo na sa 971 katao ang naitalang lumabag sa election gun ban mula Enero 12 hanggang Pebrero 16 batay naman sa ginawang monitoring ng National Election Monitoring Action Center’s (NEMAC) ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Information chief Col. Randulf Tuaño, karamihan sa mga lumabag ay sibilyan na nasa 921; sinundan ng security guards, 22; walo sa hanay ng Armed Forces of the Philippines at lima sa PNP.
Batay aniya sa record ng Civil Security Group (CSG), tatlo lamang sa 22 security guards na nahuli sa gun ban ang may lisensiya habang 10 ang walang lisensiya, anim ang expired at tatlo ang patuloy pang bineberipika ang kanilang lisensiya.
Lumitaw din sa ulat na karamihan ng mga gun ban violators ay mula sa Metro Manila, 290; sinundan ng Central Luzon, 149 at Calabarzon 82.
Simula nang ipatupad ang election period, 254,355 na ang naisagawang COMELEC checkpoints sa buong bansa na nagresulta sa pagkakaaresto ng 106 sa
COMELEC checkpoints, 417 responde, 149 anti-illegal drug operations, 53 gun buy-bust operations, at 246 other law enforcement operations (OLEO).
Dagdag ni Tuano, patuloy na maghihigpit ang PNP laban sa mga illegal firearms, election-related violence upang mapanatili ang peace and order sa bansa.
Samantala, umaabot naman sa 962 mga baril ang nakumpiska ng PNP sa iba’t ibang mga police operations.
- Latest