Mga puno ‘wag gamitin sa kampanya
DENR sa mga kandidato
MANILA, Philippines — Nanawagan sa mga kandidato ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na huwag salantain at iwasang magpaskil sa puno ng kanilang mga campaign materials para sa nalalapit na May 12 midterm polls.
Ayon sa DENR, illegal ang mga political ads na ilalagay sa mga hindi itinakdang lugar tulad ng mga punongkahoy Ipinaalala ng DENR na alinsunod sa Section 18 ng Commission on Elections (COMELEC) Resolution No. 10294 (2018) na ang lahat ng mga campaign materials ay dapat na ilagay lamang sa mga designated “common poster areas.”
Ang mga lalabag sa naturang batas ay maaaring mabilanggo ng mula anim na buwan hanggang dalawang taon bukod sa multang mula P500 hanggang P5,000.
Alinsunod din umano sa Section 2 ng Presidential Decree No. 953 ipinagbabawal ang pagputol, pagsira o pananalasa sa mga puno na nasa pampublikong lugar
Binigyang diin naman ni DENR-NCR Regional Executive Director Atty. Michael Drake P. Matias na ang naturang batas ay patuloy na ipinatutupad sa anumang araw at taon kahit hindi sa panahon ng eleksyon.
- Latest