‘Budol’ na taxi sa PITX, talamak
MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagkabahala ang ilang commuters hinggil sa umano’y ‘pambubudol’ at ‘pananaga’ ng mga taxi driver sa mga pasahero sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) nitong nakalipas na linggo.
Nabatid na dalawang mamamahayag ang nabiktima ng pangongontrata ng mga taxi driver sa PITX. Katwiran ng mga taxi driver, nagbabayad sila ng P10 hanggang P20 sa pila. Dalawa katao ang nasa pilahan ng taxi ang nangangasiwa sa koleksiyon kung saan binibigyan ng maliit na papel.
Ayon kay alyas Betchai, ikinagulat niya nang sabihan siya ng taxi driver na P350 mula PITX hanggang Five Star Bus terminal. Sinabihan niya ang taxi driver na ibalik na lamang sa PITX subalit tumanggi na ang huli at sinabing kontrata sila sa PITX.
Dumanas din ng kaparehong sitwasyon ang isa pang reporter na si alyas Ghee, kung saan sinabi nito na siningil siya ng P250 ng taxi driver mula PITX at tumanggi na i-metro ang taksi. Sinabihan din siya ng taxi driver na humanap na lamang ng ibang masasakyan.
Mula PITX patungo sa isang kalapit na mall, P300 naman ang sinigil mula sa isang commuter ng taxi driver na nakapila sa PITX. Nakiusap siya sa taxi driver na imetro subalit mataas ang boses nito na nagbigay sa kanya ng takot. Bunsod nito, napilitan na lamang ang pasaherong si “Khaye” sa kontrata sa takot na may mangyari sa kanya sa loob ng taxi.
Isa pang lalaking miyembro ng media ang nakapag-video sa mga taxi driver na nangongontrata ng pasahero.
Nang makahalata umano na kinukunan ng video ay umiwas at umalis habang ang ilang arogante ay nagsalita pa umano na sila ay papaboran ng PITX dahil nagbabayad sila.
Subalit mariiin namang itong itinanggi ni Jason Salvador, tagapagsalita ng PITX sa pagsasabing nakametro ang mga taxi na nagkapila sa PITX. Aniya, iimbestigahan at sasampahan ng reklamo sa Land Transportation Regulatory and Franchising Board (LTFRB) ang driver at hindi na papayagang makapila pa sa Taxi Bay ng PITX. Hiningi ni Salvador ang kopya ng ticket at plate number ng sangkot na tax.
- Latest