PRAMA nagbabala sa pekeng survey
MANILA, Philippines — Nagbabala ang Philippine Research and Marketing Association Inc. (PRAMA) sa operasyon ng mga pekeng survey group lalo na ngayon nagsimula na ang kampanya para May 2025 midtern election at isa sa natukoy ay ang Social Pulse Philippines.
Ayon kay Anton Salvador ng PRAMA, ang Social Pulse Philippines ay dati na umanong pinasara ng mga otoridad pero muling nagbukas kamakailan para umano linlangin ang publiko at mga pulitiko.
Nabunyag ang kanilang modus nang matuklasang wala silang rehistradong negosyo at ang kanilang Facebook page ay nilikha lamang noong Enero 2025 na indikasyon ng kanilang kahina-hinalang operasyon.
Nadiskubre din na walang opisina ang Social Pulse Philippines sa Eco Tower, 32nd Avenue, Fort Bonifacio, BGC, Taguig City, na kanilang sinasabi na iyon ang kanilang opisyal na address.
Nalaman rin na may kaugnayan umano ito sa isa pang pekeng survey na Hyphothesis Philippines na dating nag-o-operate sa Cavite City gamit ang kaparehong modus operandi.
Hinimok ng PRAMA ang Commission on Elections (COMELEC) sa pangunguna ni Chairman George Garcia, pati na rin ang mga otoridad, na agarang tugisin at papanagutin ang mga nasa likod ng pekeng survey operations na ito.
- Latest