‘Pinsan’ ni FL Liza Marcos na gubernatorial bet, timbog - CIDG
May basbas ng Malakanyang
MANILA, Philippines — May basbas umano ng Malakanyang ang pag-aresto sa gubernatorial candidate sa Guimaras na si Margarita “Maggie” Cacho na pinsan ni First Lady Liza Araneta Marcos.
Ito naman ang kinumpirma ni Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) chief PMGen. Nicolas Torre III matapos na madakip sa entrapment operation si Cacho dahil sa kasong estafa.
Ayon kay Torre, sumulat sa kanila si Special Envoy to Transnational Crime Ambassador Marcos Lacanilao upang hulihin si Cacho ng Brgy. Sabang, Sibunag, Guimaras na tumatakbo bilang governor sa lalawigan ng Guimaras.
Sa kanyang bahay dinakip si Cacho at kanyang katiwala na si Cayetano Leal, 48, residente ng Brgy. Misi, Lambunao, Iloilo.
Dalawa ring miyembro ng Philippine Coast Guard na sina Apprentice Seaman Marwin Parpan, 31, mula sa Dipolog City at Seaman Second Class Rico Maylan, 27, mula sa Sandulot, Siaton, Negros Oriental na nagsisilbing personal security ni Cacho ang binibit din ng mga awtoridad. Kinumpiska sa dalawang PCG personnel ang 2 unit ng caliber 45 na baril at mga bala.
Sinabi naman ni PRO 6 Director PBGen. Jack Wanky na ginagamit ni Cacho ang kanyang magiging malapit sa First Family upang makapanloko. Nabatid na hiningan ni Cacho ang complainant ng P1 milyon para sa proyektong Private Motor Vehicle Inspection Center-Emission Testing Center ng Department of Transportation.
Una na nang nagbigay ng P400,000 ang complainant kay Cacho noong Setyembre hanggang sa mangulit ito sa halagang P600,000 upang ma “secure” ang kontrata sa DOTr.
Nahaharap sa reklamong estafa sina Cacho at Leal.
- Latest