Quiboloy balik Pasig City jail

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) kahapon na balik Pasig City Jail na ang Senatorial candidate at Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy makaraang maconfine sa ospital dahil sa pneumonia.
Ayon kay BJMP spokesperson Jail Supt. Jayrex Bustinera, naibalik na si Quiboloy nitong Miyerkules ng gabi sa BJMP Pasig City Jail Male Dormitory.
Unang dinala sa Rizal Medical Center (RMC) si Quiboloy noong Enero 18 dahil sa hirap sa paghinga hanggang sa ilipat sa isang pribadong ospital sa Pasig.
Enero 23 naman nang ipag-utos ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 159 ang paglilipat kay Quibology sa Pasig City General Hospital (PCGH) kung saan nakitaan ito ng community-acquired pneumonia at hypertension stage 2.
Habang naka confined sa PCGH, pinayagan din ng korte si Quiboloy na makagawa ng kanyang video para sa kanyang pangangampanya.
“May video siya during campaign, recorded video, oo, ito po ay may court order galing Pasig RTC 159 na pinayagan siya ng prerecorded video for certain dates ng kanilang campaign sumunod lang naman kami sa utos ng court na i-allow siya na mag-record ng kanyang message,” ani Bustinera.
Nahaharap si Quiboloy sa non-bailable qualified human trafficking case at child at sexual abuse kasama ang lima pa niyang tauhan.
- Latest