Cash subsidy ng solo parent nasa e-wallet na
MANILA, Philippines — Magiging madali na rin ang pagkuha ng cash subsidy ng mga kwalipikadong solo parent sa Caloocan City, matapos na makipagkasundo ang city government sa pangunguna ni Mayor Dale Gonzalo Malapitan sa mobile wallet application na GCash.
Ayon kay Malapitan, hindi biro ang maging solo parent kaya wala aniyang dahilan upang mahirapan pa ang mga solo parent sa pagkuha ng kanilang mga ayuda.
Paliwanag ni Malapitan, ang kanyang pakikipagkasundo sa GCash ay kasunod ng programang digitalization sa paglulunsad ng online payment platform ng lungsod para sa business at real property taxes, para sa pagbabayad ng mga bayarin para sa Unibersidad ng Caloocan City, ang online na aplikasyon para sa mga business permit, gayundin ang sabay-sabay na pag-iisyu ng mga opisyal ng buwis sa electronic tax receipts.
Nagpahayag ng pasasalamat si Mayor Along sa GCash sa ginawang posible ng pag-unlad gayundin sa pagtulong sa pamahalaang lungsod sa mabilis na paghahatid ng social development program nito.
Binigyang-diin din ng lokal na punong ehekutibo ang kaginhawaan na dulot ng pagsasama ng teknolohiya sa pagpapatupad ng mga programa ng kanyang administrasyon at binanggit na ang pamahalaang lungsod ay gumagawa na ng higit pang mga hakbang upang makipagsosyo sa iba pang mga digital payment platform.
“Mga Batang Kankaloo rin po ang mas lalong makikinabang sa pagtutok natin na maging digital ang ating mga serbisyo. Mabilis ang pagbaba natin ng mga programa sa mga mamamayan, mababawasan ang mga pila, at hangga’t maaari ay hindi na rin kayo lalabas ng inyong tahanan upang maramdaman ang aksyon at malasakit ng pamahalaang lungsod,” dagdag pa ng alkalde.
- Latest