Bebot sinagasaan ng dating nobyo
Inatrasan pa ng kotse
MANILA, Philippines — Isang babae ang nagtamo ng mga sugat sa ulo at katawan makaraang sagasaan ng kanyang dating nobyo at tinangka pang atrasan sa Cagayan de Oro nitong Biyernes.
Ayon sa biktimang si “Elle” nakipag-break na siya sa nobyo at dalawang linggo nang hindi nagkikita kaya nagulat nang mapansin ang kotse ng suspek malapit sa kaniyang pinapasukan.
Pauwi na ang biktima at naglalakad nang sagasaan ng sasakyan at tumilapon.
“Pagbundol niya sa akin, tumilapon ako, nabangga ‘yung ulo ko sa semento. Siguro akala niya na mamamatay na ako. Pag-angat ko ng ulo ko, nagmaneho pa siya ulit papunta sa akin, nag-backing pa siya sa direksyon ko. Pag-backing niya, agad akong tumayo at tumakbo,” kuwento ni Elle.
Dinala sa ospital ang biktima na nagtamo ng sugat sa ulo, at mga galos sa iba pang bahagi ng katawan.
Ayon naman sa Cagayan de Oro police, dati nang nagpa-blotter ang biktima laban sa dating nobyo.
Hindi umano ito ordinaryong kaso ng Reckless Imprudence Resulting To Physical Injury, dahil may paglabag isang special law na RA 9262 o violence against women and children.
Patuloy na hinahanap ang suspek na tumakas matapos ang insidente.
- Latest