Ex-Mayor ng Taguig, misis binatikos ng mga deboto
Debosyon ginamit sa pulitika
MANILA, Philippines — Kinondena ng isang grupo ng mga deboto ni Sta. Marta ang umano’y paggamit ni dating Taguig Mayor Lino Cayetano at misis na si Fille Cainglet-Cayetano sa pulitika ng sagradong tradisyon ng Pagoda sa Daan para kay Santa Marta.
Sa pahayag sa kanilang Facebook page, isang grupo ng mga deboto ang nadismaya sa ginawang tila pangangampanya ng dating alkalde at di umano’y pamimigay ng mga placard sa mga kabataan. Inuudyok din na isigaw ang pangalan ni Lino habang isinasagawa ang prusisyon.
“Kami, bilang mga nagkakaisang mamamayan at deboto ni Santa Marta, ay mariing kinokondena ang ginawang paggamit sa Pagoda sa Daan ng Pateros bilang kampanya para kay Lino Cayetano,” anang grupo.
Ayon sa mga deboto, ikinadismaya nila ang umano’y pagpapahintulot ng isang samahan at ng Simbahang Katoliko sa umano’y pagsalaula sa kanilang taunang debosyon. Sa halip na pagtuunan ng pansin ang pananampalataya, ginamit ito sa politika.
Malinaw aniya na pambabastos ito hindi lamang sa mananampalataya kundi maging sa mismong diwa ng Pagoda sa Daan.
Dahil dito, nananawagan sila sa lahat ng may kinalaman sa nasabing pangyayari na itama ang nagawang paglapastangan sa sagradong tradisyon.
- Latest