PNP, ‘all set’: Campaign period arangkada na

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na ‘all set’ na sila sa pagbibigay ng seguridad kaugnay ng pagsisimula ng campaign period ngayong araw para sa Senate at party-list seats sa darating na 2025 midterm elections kung saan mas paiigtingin nila ang seguridad sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, na bago ang pagsisimula ng campaign period ay nakalatag na ang seguridad ng PNP.
Noong nakaraang linggo, inilunsad ng PNP ang 100-day security plan para sa halalan, kung saan tiniyak ang security coverage sa inaasahang pagdagsa ng mga kandidato sa Luzon, Visayas at Mindanao. Magdaragdag din sila ng mga tauhan sa engagement areas upang mapanatili ang kaayusan.
Bukod dito, magpapakalat din ang PNP ng crowd security at close-in security para matiyak ang seguridad habang nagsasawa ng campaign sorties ang mga kandidato. Gagamitin din ang mga provincial at regional mobile forces ng PNP.
“Of course nandiyan ‘yung AFP, PCG pati na rin ‘yung ibang ahensya ng gobyerno like the BFP kasama natin sila natin diyan and even BJMP and other law enforcement agencies. So we will be deploying sufficient number of PNP personnel in coordination with other uniformed and law enforcement services,” ani Fajardo.
Ayon naman sa Commission on Elections (Comelec), dapat na maging disiplina at maayos ang mga kandidato sa kanilang pangangampanya simula ngayong araw. Kampanyahan na para sa national positions, kabilang na sa pagka-senador at partylist group na tatagal hanggang sa Mayo 10, 2025, dalawang araw bago ang election day.
Samantala, ang 45-araw naman na campaign period para sa mga tatakbo sa local position, kabilang dito ang mga miyembro ng Kongreso, provincial, city at municipal officials, ay magsisimula sa Marso 28 at magtatapos rin sa Mayo 10, 2025.
Kaugnay nito, nagpaalala naman ang Comelec sa mga kandidato na hindi maaaring mangampanya sa Huwebes Santo, Abril 17, at Biyernes Santo, Abril 18, bilang pagbibigay-galang sa naturang relihiyosong okasyon.
Mahigpit din ang habilin ng Comelec sa mga kandidato na tumalima sa mga inilabas nilang gabay at panununtunan sa pangangampanya upang makaiwas sa parusa at posibleng diskuwalipikasyon sa halalan.
- Latest