Bestlink kakasuhan sa ‘field trip’

MANILA, Philippines — Pinag-aaralan na ngayon ng Quezon City government ang pagsasampa ng kaso laban sa Bestlink College of the Philippines (BCP) at papanagutin bunsod ng kontrobersiya hinggil sa naganap na ‘field trip’ sa Bataan noong nakaraang buwan kung saan maraming estudyante ang nagkasakit.
Sa pahayag ni QC Mayor Joy Belmonte, wala umanong batayan ang BCP na sabihing “fake news” ang sinapit ng mga estudyante sa kanilang off campus activity sa Hermosa, Bataan noong Enero 26.
“It is both irresponsible and insensitive for Bestlink College of the Philippines to dismiss students’ legitimate concerns as fake news. This incident could have been avoided had they prioritized the safety and welfare of their students,” ani Mayor Belmonte.
Mas makabubuti pang akuin na lamang ng BCP ang kanilang kakulangan sa halip na sisihin at takutin ang mga estudyante nagpahayag ng pagkadismaya sa ‘field trip’.
Ayon kay Belmonte, papanagutin nila ang kolehiyo sa sinapit ng mga estudyante kasabay ng pagsasagawa ng bagong polisiya upang mabawasan ang mga off campus activity.
Tiniyak ni Belmonte sa mga magulang at estudyante na suportado nila ang mga ito sa kanilang laban at karapatan.
Nauna rito, lumitaw sa isinagawang pagdinig ng Oversight Committee na pinamumunuan ni Vice Mayor Gian Sotto, na walang sapat na koordinasyon ang BCP sa mga local authorities ng Bataan.
Sa katunayan aniya, sinabi ni PMajor Phoe Pangan Jr. ng Hermosa, Bataan Municipal Police Station, na sinabihan sila ng BCP nitong Enero 23 na nasa 17,000 estudyante lamang ang kasama subalit umabot ito ng 25,000 isang araw bago ang field trip.
Ayon sa mga estudyante, kinailangan nilang maglakad ng ilang oras bago makarating sa mismong site at nakaramdam silang panghihina ng katawan at pagkahilo.
Anim na ambulance units lamang ang naka- standby sa lugar.
Sinabi ni Sotto na dapat na pinagplanuhan ng BCP ang event upang walang indibiduwal na nakaranas ng hirap.
- Latest