Election watchdog vs vote buying sa Las Piñas, binuo

MANILA, Philippines — Nagbigay suporta kahapon ang Las Piñeros Movement for Change (LPMFC) sa panukala ng Commission on Elections (Comelec) na ipatupad ang warrantless arrest sa mga sangkot sa vote buying at selling sa darating na May 2025 midterm elections.
Ayon sa Comelec resolution, lahat ng iba pang pag-aresto nang walang warrant gaya ng itinatadhana sa Rule 113 ng Revised Rules of Criminal Procedure ay nararapat at may bisa kaugnay ng mga panuntunang ito.
Sinabi ni Leonila Mende, chairman ng LPMC, magbubuo sila ng grupo sa lahat ng 16 na barangay sa Las Piñas na may sampung katao na magiging miyembro ng striking force team para tukuyin kung saan ang nagaganap na bilihan at bentahan ng boto sa paparating na election.
Ang striking force team ay magiging katuwang ng kapulisan, military at iba pang law enforcement unit ng gobyerno para sa pagtuturo kung saan ang kaganap na vote buying, pag-aresto sa mga sangkot sa vote selling at iba pang krimen na nangyayari tuwing local election.
Paliwanag ng LPMFC, ang lahat ng miyembro nila ay magkakaroon ng pagsasanay sa lalong madaling panahon pero hindi nila bibigyan ng anomang sandata, patalim at anomang bagay na nakakasakit sa kanilang aarestohin ang isang salarin.
Dagdag ng Comelec, ang pera o anumang iba pang kalakal na may halaga, mga sample ballot at anumang campaign materials na ginagamit para sa vote-buying at vote-selling ay dapat agad na kunin at kustodiya ng nakahuli na alagad ng batas.
- Latest