DFA binulabog ng bomb threat
MANILA, Philippines — Nauwi sa tensyon ang pagbubukas pa lamang ng mga tanggapan sa Department of Foreign Affairs (DFA) nang mabulabog sa natanggap na bomb threat, sa Pasay City, kahapon ng umaga.,
Kaniya-kaniyang labasan sa mga opisina ang mga kawani hinggil sa sinasabing nakatanim na bomba sa gusali ng DFA.
Natanggap ang ulat alas-7:00 ng umaga ni Pasay City Police Station, chief P/Col. Samuel Pabonita, na nag-utos sa mga operatiba ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) at Special Weapon and Tactics (SWAT) Team na magtungo sa lugar upang suyurin ang bawa’t sulok ng tanggapan.
Ikinordon ang DFA, habang ang mga kawani at opisyal ay nagtipun-tipon sa 2330 Service Road, Roxas Boulevard.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, nagmula ang impormasyon hinggil sa bomba na itinanim umano sa DFA building nang mag-email ang mga empleyado ng Philippine Embassy sa Canada. Sa nasabing embahada ipinarating ang impormasyon na ipinabatid lamang sa DFA sa Pili[pinas.
Negatibo naman sa anumang bakas ng bomba sa mga tanggapan matapos ang pagsuyod ng EOD at SWAT kaya’t pinabalik ang mga kawani alas-8:00 ng umaga.
Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente.
- Latest