Mag-inang nagpapatakbo ng abortion clinic, timbog ng NBI
MANILA, Philippines — Nahuli ng mga operatiba ng Organized and Transnational Crime Division ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mag-inang nagpapatakbo umano ng abortion clinic sa Bulacan
Ayon kay NBI director Jaime Santiago nahuli ng mga tauhan ang mga suspek kabilang ang 47-anyos na ina at ang kanyang 20-anyos na anak na babae sa kanilang tahanan sa Baliuag, Bulacan makaraan ang isinagawang entrapment operation laban sa mga ito.
Kaugnay nito sinabi ni Atty Jerome Bomediano, hepe ng NBI-OTCD, ang nagpapatakbo ng operasyon ng klinika ay umano’y lantarang nagpo-promote ng kanilang mga serbisyo online bilang isang “sobrang ligtas” na serbisyo sa pagpapalaglag, na kumpleto sa mga naka-post na mga testimonial mula sa mga nasisiyahang kliyente.
Anya humihingi umano ang mga suspek ng P20,000 para sa kanilang serbisyo at may dagdag na bayad na P3,000 kung hindi kukunin ang fetus at ito ay gagastusin sa pagpapalibing at dagdag na P2,000 para sa after meds o kabuuang P25,000 bayad sa serbisyo.
Sa operasyon ng NBI, nakumpiska ang marked money at kagamitan na ginamit sa umano’y serbisyo ng pagpapalaglag.
Sinabi pa ni Bomediano na masyadong unsanitized ang mga gamit ng mga suspek sa operasyon dahil kinakalawang na ito at ang kama ay foam lamang na nakalagay sa sahig.
Sinabi pa nito na may paraan din ang mga suspek na lituhin ang mga otoridad dahil sa labas tulad sa mga malls makikipagkita ang mga suspek sa mga parokyano at saka bibigyan ng schedule ng araw ng pagpunta sa clinic para sa pagpapalaglag.
- Latest