Corrections officer, 2 pa huli sa P68 milyong shabu
MANILA, Philippines — Nasa P68 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) at dalawa pang kasamahan nito na nalambat sa buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kamakalawa ng gabi.
Arestado sina alyas “Paul”, Corrections Officer 1 (CO1), 30, nakatalaga sa Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison (NBP); isang alyas “Reynold”, 34, security guard, at isang truck driver na si alyas “Romeo”, 34, residente ng Merville Parañaque..
Batay sa ulat na nakarating kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr.
Nabatid na nadakip ang tatlo sa isinagawang bust operation ng PDEA kamakalawa ng gabi sa Skate Park, Bulungan, Parañaque City.
Nasamsam sa mga ito ang nasa 10 kilo ng hinihinalang shabu na may street value na P68 milyon, isang pistola na may walong live ammunition, mga identification card, official receipts, dalawang cellphone, dalawang wallet, isang pirasong genuine na P1,000 bill sa ibabaw ng mga bundle ng boodle money na ginamit sa buy-bust at dalawang sasakyan.
Ayon kay Catapang, agad niyang tinanggal sa serbisyo sa suspek na si alyas Paul .
“As I said before, we will not condone misfits in our agency as we intensify our efforts to cleanse the bureau of misguided personnel who refuse to heed our call for them to mend their ways and change for the better,” ani Catapang.
Banta pa ni Catapang, sisipain palabas ng ahensya at tatanggalan ng maskara ang sinumang corrections officer na sangkot sa iligal na aktibidad habang nagtatago sa unipoirme ng BuCor at sinabing “may mangilan ngilan pa rin natitirang nasanay sa maling gawain, nakasanayan na kung baga kaya hirap magbago, pero iisa-isahin natin sila hanggang sila ay maubos. ”
Isa aniya ito, sa mga dahilan kung bakit, ang BuCor noong Abril ng taong ito, ay lumagda sa isang memorandum of agreement kasama ang PDEA, National Bureau of Investigation, National Intelligence Coordinating Agency at Philippine National Police para pagsabayin ang kanilang anti-illegal drug efforts na magbigay daan para sa paglikha ng isang Inter-Agency Collaborative Group (IACG) laban sa drug trafficking na gumagana na sa loob ng mga pasilidad ng BuCor.
Nakikipagtulungan din ang bureau sa mahigpit na koordinasyon at pakikipagtulungan sa PDEA dahil lahat ng mga tauhan at bisita ng mga taong pinagkaitan ng kalayaan na naaresto dahil sa pagpupuslit ng ilegal na droga sa loob ng penology ay itinuro sa kanila para sa tamang imbestigasyon at disposisyon, kabilang ang mga nakumpiskang ilegal na droga at mga cellphone para sa forensic examination at analysis.
- Latest