Holdaper ng mga foreigner, arestado
MANILA, Philippines — Timbog na ang isa sa dalawang holdaper na nag-viral sa social media kaugnay sa panghoholdap sa mga dayuhan na kumakain sa isang noodle house, sa Parañaque City, kamakailan.
Kinilala ang suspek na si alyas Kuyang, ng Riverside, Barangay Tambo, Parañaque City na naaresto matapos ang ikinasang follow-up operation.
Agosto 2, 2024, bandang alas-10:05 ng umaga nang pasukin ng mga suspek ang isang Noodle House sa Bradco Avenue, Brgy. Tambo, Parañaque City.
Makikita sa video footage ang isang lalaki na nakasuot ng helmet at naka-uniporme ng motorcycle taxi na naglabas ng baril at nagdeklara ng holdap.
Agad niyang dinakma ang bag ng biktima na nakipag-agawan pa sa suspek, habang ang isa pang babaeng dayuhan ay kusang ibinigay ang shoulder bag sa takot.
Nilimas din umano niyo ang laman ng kaha sa counter at tuluyang lumabas at sumakay sa naghihintay na lalaking nagmamaneho ng motorsiklo.
Isang saksi naman ang nagmagandang-loob na nagsabi sa pulisya na kilala niya ang suspek na nakatulong sa pagdakip dito
Bigong marekober ang mga natangay ng suspek na kinabibilangan ng tatlong cellphone, cash na aabot ng P80,000.00, mga pasaporte at mga identification card.
Hindi rin umano konektado sa alinmang delivery apps ang suspek, batay sa isinagawang beripikasyon ng Parañaque Police Stataion.
- Latest