Umbagerong mister, todas sa misis
Pananakit hindi natiis
MANILA, Philippines — Patay ang isang lalaki nang saksakin ng kanyang live-in partner na hindi na matiis ang ginagawang pananakit ng una, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Idineklarang dead on arrival sa FEU General Hospital ang biktimang si John Louis Solomon, 22, warehouseman, residente ng Barangay Commonwealth, Quezon City.
Nasa kustodiya naman ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspect na si Krizel Baterna Concepcion, 22.
Lumilitaw na nangyari ang krimen nitong Sabado bandang alas-8 ng gabi sa bahay ng mag-live in partners.
Ayon kay Angel kapatid ng suspek, nasa banyo siya nang marinig niya ang pag-aaway ng biktima at suspek.
Nang kanyang puntahan, dito niya nakita ang biktima na naliligo na sa dugo habang umiiyak ang kapatid .
Batay naman sa kuha ng CCTV dumating ang biktima sa bahay at nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa suspek.
Makikita ring kumuha ng kutsilyo ang suspek at sinaksak ang biktima sa dibdib malapit sa puso.
Gayunpaman, humingi ng tulong ang suspek at kapatid at dinala sa ospital ang biktima.
Napag-alaman naman sa suspek hindi na niya matiis ang pananakit ng biktima sa tuwing sila ay mag- aaway.
Kaya nang magkaroon sila ng pagtatalo, inunahan na niya ng saksak ang biktima.
Pinagsisisihan din aniya ang kanyang nagawa sa ka-live in ng 6 na taon.
- Latest