600 bulag nakiisa sa White Cane Walk 2024
MANILA, Philippines — Tinatayang aabot sa 600 taong may kapansanan sa paningin ang nakiisa sa White Cane Walk 2024 na ginanap sa Quezon City Hall Compound kahapon ng madaling araw.
Ang kaganapan ay inorganisa ng Quezon City Persons With Disability Affairs Office sa pakikipagtulungan ng Philippine Blind Union na may temang “Promoting Inclusion: Celebrating Abilities and Advocating Access for People with Blindness.”
Ayon sa organizer, ito ay upang itaas ang kamalayan tungkol sa mga taong may kapansanan sa paningin at hamunin ang “maling kuru-kuro na ang pagkabulag ay naglilimita sa mga pagkakataon sa karera.”
Sinabi ni Butch Robredo, president ng Philippine Blind Union, nais nilang ipalaganap na ang kanilang hawak na baston ay simbolo na hindi sila nakakakita, gayunman nais pa rin nilang maging productive, independent, at maging assets ng lipunan.
Noong 1989, ang Republic Act No. 6759, na kilala rin bilang “White Cane Act,” ay pinagtibay bilang batas sa Pilipinas na naglalayong itaguyod at protektahan ang kapakanan ng mga bulag na indibidwal. Idineklara rin nito ang Agosto 1 bilang White Cane Safety Day.
- Latest