^

Metro

Bilyaran inatake ng tandem: 2 player patay!

Ludy Bermudo - Pilipino Star Ngayon
Bilyaran inatake ng tandem: 2 player patay!
Ayon sa Southern Police District (SPD), nasawi ang mga biktimang sina Jojit Carpe, 49-anyos, at Jerick Belga, 42-anyos, barbero, bunsod ng mga tama ng bala sa katawan.
STAR/File

MANILA, Philippines — Dalawang lalaki na naglalaro ng bilyar ang patay nang umatake ang riding-in-tandem at namaril sa loob ng isang billiards hall sa Pasay City, Huwebes ng madaling araw.

Ayon sa Southern Police District (SPD), nasawi ang mga biktimang sina Jojit Carpe, 49-anyos, at Jerick Belga, 42-anyos, barbero, bunsod ng mga tama ng bala sa katawan.

Sa ulat, naganap ang insidente alas-12:15 ng madaling araw ng Hunyo 13, 2024, sa loob ng isang bilyaran sa No. 106 Saint James St., sakop ng barangay 179, Maricaban, Pasay City.

Habang naglalaro ng bilyar ang dalawang biktima at dalawang iba pa nang biglang sumulpot ang mga suspek at niratrat ang dalawa.

Isinugod pa ng mga nagrespondeng tauhan ng Maricaban Police Sub-Station 7 at ambulansiya ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) ng Pasay City ang mga biktima sa Pasay City General Hospital subalit kapwa idinekla­rang dead-on-arrival.

Sa ulat kay Pasay Police chief P/Col. Samuel Pabonita, sinabi ni Sub-Station 7 Commander P/Capt. Glen Mangalindan na nakatanggap sila ng tawag hinggil sa nangyaring pamamaril sa loob ng bilyaran dakong alas-12:45 ng madaling araw at nang respondehan ay nadatnan na duguang mga nakahandusay.

Batay sa mga saksi, isa sa suspek ay naka-­uniporme pa ng isang motorcycle taxi app na Angkas habang puting sweatshirt naman ang suot ng kanyang backrider.

Ayon sa ilang mga saksi, sumibat ang mga suspek patungo sa Saint Peter St. na tatagos sa Malibay hanggang tulu­yang makatakas.

Patuloy pa ang imbestigasyon at backtracking ng pulisya batay sa nakalap na CCTV footages sa lugar.

vuukle comment

PATAY

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with