Manibela, kinasuhan ng Quezon City Police District sa perwisyong transport strike
MANILA, Philippines — Sinampahan ng patung-patong na kaso ng Quezon City Police District (QCPD) ang grupong Manibela (Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers Para sa Karapatan sa Paggawa) dahil sa umano’y perwisyong kanilang idinulot sa dalawang araw na transport strike sa lungsod.
Nabatid na 3-counts ng mga paglabag sa B.P. 880 (Public Assembly Act of 1985); Article 155 ng Revised Penal Code (Alarm and Scandal); Article 151 ng RPC (Resistance and Disobedience), at Direct Assault Upon an Agent of Person in Authority ang isinampa laban kina Mario S. Valbuena (Chairperson, Manibela), Regie Manlapig (Presidente, Manibela), Jasmine Bordalba Denition (Rehistradong may-ari ng white conquest na ginamit noong rally), Pacifico Dasalla Martin Jr. (may-ari ng Starex Van), at ilang hindi pinangalanang indibidwal na sangkot sa pagmamaneho ng mga PUJ sa panahon ng protesta.
Ayon sa QCPD, sobra ang abala at perwisyo sa mga motorista at pasahero ang idinulot nang harangan ng may 70 jeepney at 600 na miyembro ng Manibela ang Commonwealth, East at Quezon Avenue sa isinagawa nilang transport strike noong Abril 15, na nasundan ng tigil-pasada ng Abril 16.
Wala rin umanong permit ang Manibela sa kanilang ikinasang kilos-protesa at binalewala ang pakiusap sa kanila ng mga otoridad na lumipat ng Freedom Park.
Samantala, tinawag ni Valbuena na panggigipit ang ikinaso laban sa kanila ng QCPD. Aniya, ang mga pulis ang humarang sa kanila na nagresulta para sila ay huminto rin at naapektuhan ang daloy ng trapiko partikular sa Commonwealth Ave., sa lungsod.
- Latest