Bank accounts ni ex-Governor Teves, sisilipin ng NBI
MANILA, Philippines — Nakatakdang busisiin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bank accounts, mga phone records at emails ni dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves makaraang maglabas siya ng waiver sa mga ito.
“Maybe the NBI should get hold of it so that they can start using that waiver to clear issues,” ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, kung talagang naglabas na ng waiver si Teves.
Para naman sa pagbusisi sa telephone records, sinabi ni Remulla na hindi na kinakailangan pa ng warrant para dito.
Isinasangkot si Teves at kapatid niyang si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. sa pagpaslang kay Governor Roel Degamo at walo pa noong Marso 4, na itinanggi naman ng dalawa.
Tumakbo si Pryde bilang gobernador noong nakaraang halalan ng Mayo 2022 ngunit natalo kay Degamo. Umapela si Pryde hanggang sa makarating ang kaso sa Supreme Court na nagdesisyon pabor kay Degamo.
Matatandaan na nagkasa rin ng raid ang pulisya sa isang compound sa bayan ng Sta. Catalina na pag-aari ni Pryde at sa isang sugar mill kung saan nakumpiska ang tinatayang P19 milyong cash at mga baril.
Sa isang media interview nitong Marso 30, sinabi ni Pryde na pumirma na siya ng isang waiver para sa kaniyang mga bank accounts para mapatunayan ang kaniyang pagiging inosente sa ibinabatong krimen.
- Latest