Pulis na dawit sa P6.7 bilyong shabu sinibak na sa serbisyo

MANILA, Philippines — Tuluyan nang sinibak sa serbisyo ni Philippine National Police (PNP) chief General Rodolfo Azurin Jr., si P/Sgt. Rodolfo Mayo Jr., na sangkot sa nasamsam na P6.7 bilyong halaga ng shabu.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, na ang pagsibak kay Mayo ay kasunod nang pagpabor ni Azurin sa rekomendasyon ng PNP-Internal Affairs Service (IAS) alisin na ito sa PNP dahil sa kasong grave misconduct of unbecoming of an officer.
Matatandaang si Mayo na miyembro ng Philippine Drug Enforcement Group-National Capital Region (PDEG-NCR) ay nahulihan ng nasa dalawang kilo ng shabu noong Oktubre 8, 2022 sa Quiapo, Maynila at siya ring may-ari ng Western Police District (WPD) Lending Inc. sa Sta. Cruz, Maynila kung saan nakumpiska doon ang nasa 990 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon.
Bunsod nito, hindi na makukuha ni Mayo ang kanyang benepisyo.
Nabatid na ipinatapon na noong 2016 si Mayo sa Mindanao pero muli itong nakabalik sa PNP Headquarters kung saan naging intel officer pa ito ng Drug Enforcement Group.
- Latest