3 suspek sa robbery at theft, timbog sa Quezon City Police District

MANILA, Philippines — Tatlong suspek sa kasong robbery at theft ang nadakip ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD-Novaliches Police Station 4 (PS-4) sa magkahiwalay na operasyon sa lungsod kamakalawa.
Sa ulat ni PS 4 station commander PLTCOL Jerry Castillo, nakilala ang mga suspek na sina Louie Jay Entro, 18, ng Montalban, Rodriguez; Joey Fuentes, 46, at Elaiza Mae Fuentes, 18, kapwa ng Caloocan City.
Nabatid na si Entro ay inaresto ng mga pulis dakong alas-8:00 ng gabi kamakalawa sa tapat ng isang bangko sa Quirino Highway, Brgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City.
Nauna rito, naglalakad umano ang biktimang si Raechille Sawali kasama ang kanyang kapatid na lalaki, nang bigla na lang sumulpot si Entro at puwersahang inagaw ang cellphone ng biktima at mabilis na tumakas patungo sa Quirino Highway, Brgy. Sauyo, Novaliches, Quezon City.
Hinabol umano ng magkapatid ang suspek na nakaagaw ng atensiyon ng mga tao sa lugar, gayundin ng mga pulis na nagpapatrulya sa area, na nagresulta sa pagkaaresto nito.
Nabawi mula sa suspek ang asul na Vivo Y16 ng biktima na nagkakahalaga ng P11,000.00.
Samantala, sina Joey at Elaiza Mae naman ay naaresto dakong alas-6:00 ng gabi kamakalawa sa Susano Market, Brgy. Sta Monica, Novaliches, Quezon City.
Kasalukuyan umanong nagbabantay ng tindahan ang biktimang si Shaina Pagador nang dumating ang mga suspek at nagpanggap na kostumer.
Nang malingat umano si Pagador ay bigla umanong kinuha ni Elaiza Mae ang kanyang cellphone na nasa ibabaw ng display box at binigay kay Joey, saka mabilis na tumakas.
Kaagad namang humingi ng tulong sa mga kapwa vendor ang biktima na nagresulta sa komosyon at nakatawag sa pansin ng mga pulis, na nagpapatrulya sa lugar. Hinabol ng mga ito ang mga suspek na kaagad ring naaresto.
- Latest