2 Hapones na miyembro ng sindikato sa Japan, napa-deport na!
MANILA, Philippines — Tuluyan nang nai-deport kahapon pabalik ng Japan ang dalawang Hapones na hinihinalang miyembro ng isang malaking crime syndidate habang naiwan pa sa Pilipinas ang hinihinala nilang lider at isa pang miyembro, ayon sa Department of Justice (DOJ) kahapon.
“Today, we deport Imamura Kiyoto and Fujita Toshiya as they have been cleared of any legal impediment,” ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Nananatili pa sa Pilipinas si Yuki Watanabe, ang hinihinalang si alyas Luffy na pinuno umano ng sindikato at si Tomonobu Saito, habang hinihintay pa na maresolba ang kasong Anti-Violence against Women na nakabinbin sa Pasay City Regional Trial Court.
Nabatid na nadismis na ang kasong Anti-Violence against Women laban kay Imamura noong Enero 25, 2023 habang naibasura na rin ang mga kasong kinasasangkutan ni Fujita kaya naituloy ang kanilang deportasyon.
Sinabi ni Remulla na nakarating sa kaniyang kaalaman nitong Enero 27 ang presensya ni alyas Luffy nang isang Japanese reporter ang magtanong sa kaniya nito sa isang press conference. May mga ulat sa Japan na nagagawang makapag-operate ni Luffy at mag-utos sa mga tauhan kahit na nakaditine ito sa Pilipinas gamit ang isang crypto messaging application.
Sa pahayag naman ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco, sumakay ang dalawang Hapones sa Japan Airlines patungo ng Tokyo. Naghanda umano sila ng “maximum security” para sa maayos na deportasyon ng dalawang high profile na kriminal.
- Latest