Sibuyas bilang pambayad sa store sa Quezon City, dinagsa ng mamimili

MANILA, Philippines — Dinagsa ng mga mamimili ang isang Japanese store sa Quezon City matapos na tumanggap ng sibuyas bilang bayad sa ilang piling paninda nila sa loob ng isang araw.
Pinilahan ng mga mamimili ang main branch ng Japan Home Centre sa Panay, Quezon City nitong Sabado upang bumili ng ilang piling items, na maaaring bayaran ng sibuyas.
Kabilang dito ang mga cooking pans, cleaning solutions, at iba’t ibang home products na nagkakahalaga ng hanggang P88.
Nabatid na ang bawat produkto ay may katumbas lamang na isang sibuyas.
Bawat mamimili naman ay maaari lang bumili ng hanggang tatlong item o magbayad ng hanggang tatlong sibuyas.
Ayon kay Japan Home Centre Marketing Officer Mitzi Gamboa, ang event ay nagtagal ng hanggang alas-8:00 ng gabi nitong Sabado lamang.
Aniya, ang mga sibuyas na nakolekta nila ay gagamitin nila sa community pantry na itatayo sa tapat ng tindahan sa Pebrero 8.
- Latest