3 sakay ng kotse niratrat sa Pasay, patay

MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang babae at dalawang lalaki na sakay ng isang kotse na nakahimpil sa may Don Carlos Village, Pasay City, makaraang pagbabarilin ng hindi pa tukoy na salarin, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga biktimang sina Philip Jay Magdamit Tan, residente ng Manghinao Proper, Bauan, Batangas; Richard Kevin De Guzman Delos Reyes, 34, ng San Roque, Bauan, Batangas; at Lilian Marasigan Tan, residente ng Tabon-tabon, Baco, Oriental Mindoro,
Sa ulat ng Pasay City Police Station, naganap ang insidente ng pamamaril dakong alas-12:30 ng madaling araw, sa Bac 1-11 St., harapan ng LRT Depot gate, sakop ng Barangay 190, Zone 20, Don Carlos Village, Pasay City.
Ayon kay P/Captain Dennis Desalisa, chief investigator ng Pasay Police, pawang wala nang buhay at duguan ang mga biktima sa loob ng puting Honda Civic na nakaparada sa lugar kung saan nasa 20 basyo ng bala mula sa kalibre .45 baril ang nakalap sa crime scene.
Sa impormasyon ng pulisya mula sa mga saksi, nakahinto at nakapatay ang makina ng sasakyan ng mga biktima na tila may hinihintay hanggang sa lapitan ng suspek na walang sabi-sabing bumaril sa kanila.
Sinabi ni Desalisa na dalawa sa biktima ang may rekord umano ng pagkakasangkot sa ilegal na droga.
Narekober naman umano mula kay Tan ang isang kalibre 45 baril na may 6 na bala at isang sachet ng shabu.
Pinag-aaralan pa ang posibleng motibo sa krimen at kung may kaugnayan sa ilegal na droga.
Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa mga kaanak ng mga nasawi.
- Latest