Single ticketing system sa NCR, sisimulan na sa Abril
MANILA, Philippines — Inaasahang masisimulan na sa buwan ng Abril ang implementasyon ng single ticketing system sa National Capital Region (NCR).
Mismong si San Juan City Mayor Francis Zamora, na siya ring pangulo ng Metro Manila Council (MMC), ang nag-anunsiyo ng naturang development matapos ang pulong na idinaos ng council.
Nabatid na inaprubahan na rin naman ng MMC ang Metro Manila Traffic Code na gagamitin sa single ticketing system sa rehiyon.
“Within April, realistic ‘yan. Like what I’ve mentioned earlier, after today, it has been approved already. Aandar na ‘yung proseso natin,” ayon pa kay Zamora.
Dagdag pa ni Zamora, kinakailangan ding amiyendahan ng mga concerned local government units (LGUs) ang kani-kanilang mga ordinansa kaugnay ng mga polisiya sa trapiko bago sumapit ang Marso 15. Matatandaang una nang nagkasundo ang mga Metro Mayors na bumuo ng single ticketing system upang magkaroon ng unipormadong polisiya sa mga traffic violations at penalty system sa NCR.
Sinabi naman ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes na ang MMDA ang siyang sasagot sa gastos ng mga kakailanganing kagamitan para sa bagong sistema.
- Latest