Bantag ‘no show’ pa rin sa DOJ
MANILA, Philippines — Patuloy na hindi pa rin sumipot sa Department of Justice (DOJ) kahapon si suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag sa pagpapatuloy ng pagdinig sa kasong murder na inihain sa kaniya kaugnay ng pagpaslang sa broadcaster na si Percy Lapid at inmate na si Jun Villamor.
Sa halip, muling dumating ang abogado niyang si Rocky Balisong, na naghain ng isa pang ‘motion for reconsideration’ sa naunang ibinasura nilang petisyon na mag-inhibit sa kaso ang prosecution panel ng DOJ dahil sa kawalan umano ng hurisdiksyon.
Sa bago nilang katwiran, may murder case rin umano na inihain si Bantag laban naman kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa Office of the Ombudsman na siya umanong tunay na mastermind sa naganap na patayan. Para sa kanila, ang Ombudsman umano ang may higit na hurisdiksyon sa kaso.
“So two (2) different masterminds are being charged? It will surely create a crisis between the two (2) agencies,” ayon kay Balisong.
Una nang inakusahan ni Bantag ng pagiging “biased” ang DOJ panel dahil sa mga naunang pahayag ni Remulla laban sa kaniya. Itinanggi naman ito ng panel at iginiit na hindi nakikialam si Remulla sa kanilang mga desisyon.
Muli namang iginiit ni Remulla na may hurisdiksyon ang DOJ sa naturang kaso.
Itinakda ng DOJ panel ang susunod na pagdinig sa Enero 31, para mabigyan ang isa pang complainant, ang kapatid ni Villamor, na mapag-aralan ang mosyon ni Bantag at magdesisyon kung maghahain ng komento ukol dito.
- Latest