282 pamilya sa Parañaque City, mabibigyan ng titulo ng lupa
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ni Parañaque City Mayor Eric L. Olivarez na lumagda na siya sa isang Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagbili ng pamahalaang lungsod ng isang lupain sa halagang P67 milyon na ipamamahagi sa 282 mahihirap na pamilya sa Brgy. Sto. Niño.
Ang pagbili ng ari-ariang may sukat na 4,772 metro kwadrado sa 1st Street Village Extension sa Barangay Sto. Niño ay bahagi ng programang murang pabahay ng pamahalaang lungsod upang bigyan ng pagkakataon ang mga mamamayang magkaroon ng sariling bahay at lupa.
“Makikinabang ang 282 pamilya sa pagbili natin ng lupaing ito, na babayaran nila ito sa loob ng 30 taon sa pamamagitan ng buwanang hulog na wala pang isanlibong piso bawat buwan,” sabi ni Mayor Olivarez sa flag ceremony kaninang umaga.
Inaprubahan na rin ng Konseho ng Lungsod ang naturang pagbili ng lupa, at kasama sa mga pumirma sa MOA ang may-ari ng lupa at ang mga opisyal ng 1st Street Village Extension Neighborhood Association.
Matagal nang programa ng pamahalaang lungsod ang pagbili at pamamahagi ng mga lupain sa mga maralita sa pamamagitan ng Local Housing Development Office at ng Urban Mission Areas Development Office, katuwang din ang Social Housing Finance Corporation.
Nasimulan ang pagbili ng mga ari-arian para sa socialized housing projects noong panahon ni dating Parañaque City Mayor at ngayon ay 1st District Rep. Edwin L. Olivarez, ang sinundang alkalde at nakatatandang kapatid ng kasalukuyang mayor.
- Latest