P9 milyong halaga ng shabu, binebenta sa loob ng opisina
PDEA district chief, 2 tauhan timbog sa drug bust
MANILA, Philippines — Arestado sa isinagawang buy-bust ang isang opisyal at dalawang tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasama ang isa pang sibilyan kung saan nasabat sa kanila ang nasa P9 milyong halaga ng shabu sa loob mismo ng kanilang tanggapan sa Brgy. Upper Bicutan, Taguig City, Martes ng gabi.
Nakatakdang ipagharap ng reklamong paglabag sa Section 5 (Selling of Dangerous Drugs) ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Act of 2002) ang mga suspek na sina Enrique Lucero, hepe ng PDEA-South District Office; mga PDEA agent na sina Anthony Vic Alabastro at Jaireh Llaguno at ang personal driver na si Mark Warren Mallo.
Dakong alas -9:00 ng gabi kamakalawa ng isagawa ng operatiba ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang buy-bust operation sa mismong tanggapan ng PDEA-SDO sa A. Bonifacio St., Brgy. Upper Bicutan.
Tumayong poseur-buyer si P/Corporal Raymond Suriaga at nagsilbing immediate back-up naman niya sina, Corporal Globert Batara, Corporal Cyprus Alarcon, at Patrolman Antonio Cruz.
Isinagawa ang imbentaryo sa nabiling 100 gramo o katumbas P680,000.00 at narekober na 1,250 gramo pa ng shabu na nagkakahalaga ng P8,500,000.00 sa presensya ng media, dalawang kagawad ng Brgy. Upper Bicutan at Taguig City Senior Prosecutor Raymond Castillejo.
Nabatid na ikinasa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng NCRPO RDEU, Regional Intelligence Division, Philippine Drug Enforcement Group-Special Operations Group-NCR, SPD DEU, DID, SPD, DMFB, SPD, DEU ng Taguig City Police Station at PDEA- NCR .
- Latest