NBI pinakikilos vs international fraud syndicate na nambibiktima ng OFWs
MANILA, Philippines — Kinalampag ng isang consumer group ang National Bureau of Investigation (NBI) para maaksyunan ang pambibiktima ng mga internasyunal na sindikato sa bank fraud na bumibiktima ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at maging mga lokal na empleyado sa bansa.
Ayon sa Action for Consumerism and Transparency in Nation Building (ACTNB), target umano ng sindikato na ito ang mga bank accounts ng OFWs at mga lokal na empleyado lalo na at panahon na ng pagpapadala ng mga remittance at tanggapan ng 13th month bonus.
Naniniwala ang ACTNB na ngayong buwan ng Disyembre pinakamatinding sasalakay ang mga sindikato sa kanilang malawakang scams dahil sa 2023 ay mahihirapan na itong isagawa bunsod ng pagpapatupad ng SIM Card Registration Act.
“It is a now or never situation for them and this is why we see the recent rise in unabated SMS scams, which we feel will lead to getting people OTPs and consequently access to the victims’ bank accounts,” ayon sa ACTNB.
Umaasa ang ACTNB na sa gagawing aksiyon ng NBI ay hindi na muling mauulit ang nangyari noong nakalipas na taon kung saan maraming nabiktima ang masasamang elemento.
- Latest