Bagong COVID-19 wave sa NCR, nakaamba - OCTA
MANILA, Philippines — Nakaamba umano ang panibagong wave ng impeksyon ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) makaraan ang pagtaas ng positivity rate nito sa 9.2% sa nakalipas na linggo, ayon sa OCTA Research Group.
Sa datos na ipinakita ni Dr. Guido David, OCTA fellow, ang 9.2% positivity rate ay naitala nitong Nobyembre 22 ay mas mataas sa 7.4% noong Nobyembre 15.
“Unless these trends do not progress, we could be seeing the start of another wave of infections in the NCR (similar to what we saw in June),” post ni David sa Twitter.
Sinabi pa niya ang tumataas na positivity rate ay indikasyon na mayroong “surge o mini surge” ng impeksyon sa Metro Manila.
“Hindi pa natin masasabi ngayon kung ano ang dahilan talaga kasi na-observe pa lang natin itong uptick. Titignan pa natin kung magtutuloy-tuloy ito. Pero sa ibang areas, hindi naman tumataas pa. Although may mga areas na tumaas [ang positivity rate],” paliwanag niya.
Sa datos ng Department of Health nitong Miyerkules, ang NCR pa rin ang may pinakamataas na naitalang bgong kaso sa 3,382, kasunod ang Calabarzon na may 1,973, at ikatlo ang Western Visayas na may 1,444 kaso. — Angie dela Cruz
- Latest