Ex-BuCor OIC Ragos ‘di pa nakumpirma ang pagbawi sa kaso ni De Lima
MANILA, Philippines — Humarap kahapon sa Muntinlupa City Regional Trial Court si dating Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Rafael Ragos, isa sa mga pangunahing testigo ng gobyerno sa drug case ni dating Senador Leila de Lima, pero hindi siya pinayagang maupo sa witness stand para sa kaniyang recantation.
Nabatid na alas- 8:00 ng umaga nang dumating sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 204 si Ragos upang i-affirm ang kaniyang pagbawi sa naunang affidavit subalit hindi natuloy bunsod ng nakabinbin pang apela mula sa mga prosecutor ng Department of Justice (DOJ) sa korte na baligtarin ang naging pasiya na payagan siyang mag-testify.
Paliwanag ng korte, susundin ang due process sa apela at inatasang maghain ng komento ang panig ng akusado sa loob ng 5 araw.
“We just have to respect the processes of the court. We are confident that he will be able to testify,” pahayag naman ni De Lima nang papaalis na sa court room.
Ayon kay Atty. Michael Christopher de Castro, abugado ni Ragos na nauna silang naghain ng mosyon para alisin ang affidavit ng dating BuCor chief na nagdawit kay De Lima sa iligal na droga dahil ginawa ito ng walang independent at competent lawyer.
Inabisuhan na rin aniya nila ang korte, sa health at security concerns ni Ragos.
“Napakalaki ng security concerns niya ngayon and malaki ang takot ng client ko. So minanifest na rin namin yun sa court kanina pero sabi ng judge due process,” dagdag pa nito.
- Latest